Ano ba ang ipinapahiwatig ng Diyos?
Exodus
20:1-4, 7-9, 12-21
1Sinabi ng Panginoon: 2“Ako ang
Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto kung saan kayo
inalipin. 3“Huwag kayong sasamba sa ibang diyos maliban sa akin. 4Huwag
kayong gagawa ng imahen ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig, para
gawing diyos-diyosan ninyo.
7Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa
walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Diyos, ang magpaparusa sa
sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan. 8Alalahanin
ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa
akin. 9Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw,
12Igalang mo ang iyong amaΚΌt ina upang mabuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon na iyong Diyos. 13Huwag kang papatay. 14Huwag kang mangangalunya. 15Huwag kang magnanakaw. 16Huwag kang sasaksi nang hindi totoo laban sa iyong kapwa. 17Huwag mong pagnasahan ang bahay ng iyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga aliping lalaki o babae, mga baka, asno, o anumang pag-aari niya.” 18Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Diyos at baka mamatay kami.” 20Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito upang subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.” 21Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Diyos.
Pagsusuri sa Banal na Kasulatan
Ang Sampung Utos ang nagsisilbing mga batayan ng tipan o covenant.
Madalas ding tinatawag na Decalogue, na inilalarawan ng mga ito ang
ating mga ganap tungkulin sa Diyos at sa ating kapwa. Bihira ang mga tekstong
nagkaroon ng napakalaking impluwensya sa simbahan at sa lipunan tulad ng
Sampung Utos. Bahagi rin ang mga ito ng mga pahayag ng pananampalataya (confessions)
ng simbahan, at matagal nang nagsisilbing pundasyon ng ating kultura at
moralidad sa paggabay sa pamayanan.
Subalit, hindi magkakaroon ng malalim na kabuluhan ang
Sampung Utos sa buhay ng mga mananampalataya kung hindi natin ito isasapuso.
Kaya naman, mula pa noong unang panahon, ang pagmememorya sa mga utos na ito,
sa Panalangin ng Ama Namin, at sa kapitulo 23 ng Awit ay may natatanging halaga
sa debosyon ng mga Kristiyano.
Napakahalaga ng panimula ng Sampung Utos: “Huwag kang
magkakaroon ng ibang mga diyos sa piling ko” (talata 3). Sa pambungad na
ito, ipinapakilala kung sino ang nagbibigay ng utos sa pamayanan: walang iba
kundi si Yawe. Ang unang utos ay isang pagkilala na palaging may mga
katunggaling bagay o kapangyarihan sa ating buhay—ang “ibang mga diyos”—na
nagtatangkang maging sentro ng ating pagpapahalaga. Ang mga ganitong “diyos” ay
dapat nating bantayan, iwaksi at talikuran.
Ipinahahayag naman ng ikalawang utos: “Huwag kang gagawa
para sa iyong sarili ng anomang diyosdiyosan” (talata 4). Itinatakwil dito
ang pagtatangkang kontrolin o pasunurin ang Diyos sa ating sariling kagustuhan.
Ang Diyos lamang ang may karapatang magpasya kung kailan, saan, at paano Siya
magpapakilala sa atin.
Malamang na wala nang utos ang mas madalas mabalewala o
magamit nang walang paggalang kaysa sa ikatlong utos, na tumutukoy sa maling
paggamit sa pangalan ng Diyos (talata 7). Kung ang unang utos ay tungkol sa
hindi pagkakaroon ng ibang diyos, at ang ikalawa ay sa hindi pagpapalit sa
Panginoon sa pamamagitan ng mga imahe, lalo pa itong pinapatibay ng ikatlong
utos. Isa itong babala laban sa pagkasira ng ating relasyon sa Diyos dahil sa
maling paggamit o pang-aabuso sa Kanyang pangalan.
“Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang panatilihin
itong banal” (talata 8). Ang utos ukol sa Sabbath ay matatagpuan sa hulihan
ng unang bahagi, o “unang talahanayan” ng Decalogue—ang mga utos na nakatuon sa
tamang pagsamba at pagmamahal sa Diyos. Nagsisilbi itong tulay sa pagitan ng
mga utos ukol sa pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Ang Sabbath ay
isang dakilang kaloob!
“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (talata
12). Ang paggalang sa mga magulang ay nagtuturo sa atin na magkaroon ng
malasakit sa ating kapwa, at may kaugnayan din ito sa utos ukol sa Sabbath.
“Huwag kang papatay” (talata 13). Wala nang mas
pangunahing utos kaysa sa pagbabawal sa pagkuha ng buhay ng iba.
Binibigyang-diin dito ang pagpapahalaga sa buhay at ang pag-iwas sa paggawa ng
masama sa kapwa.
“Huwag kang mangangalunya” (talata 14). Katulad ng
pagpatay, ang pangangalunya ay isang paglabag sa maayos na pakikipagkapwa. Ang
pokus ng utos na ito na protektahan ang kaayusan ng lipunan ay kaugnay ng
paggalang sa mga magulang at pagbabawal sa pagpatay. Ang pangangalaga sa buhay
ay dapat tingnan mula sa pananaw ng karapatan ng kapwa, kabilang na ang
kesagraduhan ng kasal.
“Huwag kang magnanakaw” (talata 15). Mahigpit na
kinokondena ang pagnanakaw. Sa isang banda, isa rin itong anyo ng
pagsisinungaling at pag-iimbot. Kapag nagnakaw ka sa iba, nilalapastangan mo
ang iyong kapwa at sinisira mo rin ang iyong sarili.
“Huwag kang magbibigay ng maling testigo laban sa iyong
kapwa” (talata 16). Ang malasakit sa kapwa ay dapat makita sa ating mga
salita at pananalita. Higit pa ito sa karaniwang pagsisinungaling; tumutukoy
ito sa kakayahan ng mga salita na makasakit o makapinsala sa iba. Kaya naman,
dapat tayong magsalita nang may katotohanan.
“Huwag kang mag-iimbot…” (talata 17). Ang pag-iimbot
ay may kaugnayan sa labis na pagnanasa at sa mga epekto nito. Ang pagnanasa ay
nagbabaluktot sa pananaw ng tao, na nakakasama kapwa sa sarili at sa kapwa.
Mga Pangunahing Kaisipan
- Ang
Sampung Utos ay may pangunahing tungkulin sa mga pagpapahayag ng
pananampalataya at pagtuturo ng simbahan mula pa noong simula ng ating
tradisyon.
- Malaki
ang naging impluwensya ng Sampung Utos sa kung paano binuo at pinapanatili
ang kaayusan ng lipunan, at ang mga ito ang pinakapuso ng Kristiyanong
pagpapatotoo.
- Ang
tapat na pagsasabuhay ng Sampung Utos sa ating sarili at sa pamayanan ang
katuparan ng hangarin ng Diyos para sa buhay ng tao.
Mga Tanong para sa Tagapagsalita
- Paano
inilalarawan ng Sampung Utos ang mga kondisyon ng tipan ng Diyos? Paano
ito nakikita sa buhay ng pamayanan at ng simbahan?
- Paano
nagsisilbing tulay ang pag-alaala sa araw ng Sabbath (talata 8) sa pagitan
ng pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa?
- Ang pag-iimbot (talata 17) ay nagbabaluktot at nakakasama sa sarili at sa kapwa; sinisira nito ang pamayanan at winawasak ang mga layunin ng Diyos. Paano mo mapapatotohanan ang katotohanang ito sa iyong buhay?
- Sa iyong palagay, alin sa iba pang mga utos ang madalas na nababalewala sa iyong kultura at sa makabagong mundo ngayon?