Matthew 25:1-13
1“Sa araw na iyon, ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan para salubungin ang lalaking ikakasal. 2Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy matatalino. 3Ang limang mangmang ay nagdala ng ilawan ngunit hindi nagdala ng reserbang langis, 4habang ang limang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. 5Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay inantok at nakatulog sa paghihintay.6“Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’
7“Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. 8Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’
9“Sumagot sila, ‘Hindi puwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’
10“Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumáma sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11“Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Panginoon, panginoon! Papasukin nʼyo po kami.’
12“Ngunit sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’
13“Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.
Pag-unawa Sa Banal Na Kasulatan
Sino nga ba ang ayaw sa magandang kasal? Kahit noong panahon
ni Hesus, talagang napaka-espesyal na kaganapan ang mga kasalan. Sa sobrang
espesyal, kahit ang mga importanteng lider tulad ng mga tagapagtala (scribes)
ay pinapayagang mag-leave sa trabaho para makipagdiwang.
Ang parabula na ibinahagi ni Hesus sa Mateo ay isang
kuwentong pamilyar sa mga tao noong panahong iyon, dahil hango ito sa sarili
nilang mga karanasan sa kasal. Nagsimula ang parabula sa sampung mga dalaga o bridesmaids
o nobiya na nagdala ng mga ilawan at lumabas upang salubungin ang kasalukuyang ikakasal
na lalaki o bridegroom o nobiyo. Tungkulin nilang samahan ang lalaki at ang
babaeng ikakasal mula sa bahay ng babae patungo sa bahay ng lalaki, kung saan
sisimulan ang kanilang buhay na magkasama. (Mapapansin mo sa iyong Bibliya na
may ilang sinaunang kopya na may dagdag ng “at ang babaeng ikakasal” sa
dulo ng unang talata. Inalis ito sa pangunahing teksto, marahil upang mas
maging malinaw ang simbolismo na si Hesus ang lalaking ikakasal.) Karaniwan na
ang mga ganitong prusisyon ay nangyayari sa kalagitnaan ng gabi, at hindi
eksaktong alam ng mga dalaga kung kailan magsisimula ang mag-asawa sa kanilang
paglalakbay patungo sa bago nilang tahanan.
Ang lima sa mga dalaga ay nagdala ng mga ilawan pero walang
dalang ekstrang langis, kaya hindi sila handa kung sakaling dumating ang
lalaking ikakasal sa kalagitnaan ng gabi. Samantalang ang nalalabi pang limang matatalino ay handa at nagbaon ng
langis para sa kanilang mga ilawan. Nang magsimula nang makatulog ang lahat bandang
hatinggabi na, naalarma ang mga dalaga na dumarating na ang lalaking ikakasal.
Nakiusap ang mga walang langis sa mga may langis na bahaginan sila, pero
sinabihan silang hindi ito kasya para sa lahat at mas mabuting pumunta na lang
sila sa tindahan para bumili at gayon nga ang ginawa ng mga ito. Samantalang
naghahanap ng langis ang lima, dumating ang lalaking ikakasal, at ang mga handa
at naghihintay ay kasama niyang pumasok sa piging ng kasalan. Nang bumalik ang
iba, hindi na sila kinilala ni Hesus at pinagsabihan silang maging alerto
“sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras”
Isa itong parabula na may malinaw at hindi
mapag-aalinlanganang simbolismo. Ang lalaking ikakasal ay si Hesus; ang mga
dalaga naman ang kumakatawan sa simbahan. Ang pagdating ng lalaking ikakasal ay
ang Muling Pagparito ni Cristo (na kilala rin sa Griyego bilang Parousia).
Ang pagkakaroon ng langis ay kumakatawan sa pinakamahalagang bagay sa Parousia:
ang mga gawaing bunga ng pag-ibig at pagka maawain (na mababasa mula sa Mateo kabanata
bente singko mula trentay uno hanggang kuwarentay sais). Sa tradisyong Judio,
ang langis ay simbolo ng mabubuting gawa pati na rin ng Torah, kaya pamilyar
din itong simbolo na ito sa mga sinaunang Judio.
Para ibuod ang simbolikong kahulugan ng parabulang ito,
masasabi nating ang simbahan o tayo ay tinatawagang upang maging handa sa
muling pagparito ni Cristo sa pamamagitan ng mga responsableng gawain ng
pag-ibig at awa. Hindi ito isang bagay na pwedeng hiramin sa iba (tulad ng
ginawa ng mga hindi handang dalaga na nagtangkang manghiram ng langis); sa
halip, responsibilidad nating tumugon dahil hindi natin alam kung kailan natin
muling makikita si Hesus. Tinatawagan tayong maging handa sa pamamagitan ng
pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa. Hindi ito magagawa sa huling sandali
lamang. Sa halip, binubuo nito kung sino tayo, hinuhubog ang ating
pananampalataya, at kung paano natin nauunawaan ang kaharian ng Diyos. Ito ang
tunay na kahulugan ng "pagiging handa."
Kapag may isang bagay na mahalaga sa atin, naghahanda tayo.
Isipin mong pupunta ka sa isang bakasyong matagal mo nang inaabangan. Bibili ka
ba ng tiket sa bus o eroplano sa mismong araw ng biyahe? Mag-iimpake ka ba ng
bag mo sa mismong umaga ng pag-alis mo? Hindi ba't naglalaan ka ng oras para
pag-isipan ang mga gagawin mo at ang mga kailangan mong dalhin? Siyempre,
naglalaan ka ng panahon para maghanda. Naglalaan ba tayo ng panahon para ihanda
ang ating sarili sa pagdating ng kaharian ng Diyos? Kapag tumutugon tayo sa
tawag na maglingkod sa iba—ang magpakita ng mga gawa ng pag-ibig at
awa—inuunawa at inihahanda natin ang ating mga puso at isipan sa pagdating ng
kaharian, upang muli nating makita si Cristo.
Mga Pangunahing Kaisipan
- Ang
parabulang ito ni Hesus ay may mayamang simbolismo at gumagamit ng
halimbawang pamilyar sa mga Judio noong panahon niya.
- Tinatawagan
tayong maging handa para sa pagdating ng kaharian ng Diyos.
- Ang
paghahanda para sa kaharian ay kinapapalooban ng tapat na pagsunod bilang
alagad, kabilang ang mga gawa ng pag-ibig at awa.
Mga Tanong para sa Tagapagsalita
- Naranasan
mo na bang hindi maging handa para sa isang importanteng kaganapan? Ano
ang naging resulta?
- Ano
ang kahulugan para sa iyo o sa inyong kongregasyon ang "maging
handa"?
- May
mga gawain ka ba ng pagiging maawain at pag-ibig bilang bahagi ng paghahanda
mo sa iyo sa iyong paglalakbay? Paano hinubog ng mga gawang ito ang iyong
buhay bilang alagad at ang iyong kakayahang makita ang mukha ni Hesukristo
sa ibang tao?