Thursday, October 29, 2026

All Saints


Psalm 34:1-10

1Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras. Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya. 2Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon; maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak. 3Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon, at itaas natin ang kanyang pangalan. 4Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot. Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot. 5Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan, at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha. 6Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon. Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan. 7Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Diyos, at ipinagtatanggol niya sila. 8Subukan ninyo at inyong makikita, kung gaano kabuti ang Panginoon. Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan sa kanya! 9Kayong mga hinirang ng Panginoon, matakot kayo sa kanya, dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan. 10Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom, ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.

Pag-unawa sa Kasulatan

Ang Salmo 34 ay isang awit ng pasasalamat kung saan pinupuri ang Diyos para sa Kanyang mga ginawa. Karaniwan itong inaawit sa sinagoga o sa templo. Maganda ang pagkakasulat ng salmo na ito ang bawat linya ay nagsisimula sa kasunod na titik ng alpabetong Hebreo. Dahil karamihan sa mga tao noon ay mas nakadepende sa pakikinig kaysa sa pagbabasa, malaking tulong ang ganitong estilo upang mas madali itong maintindihan at maisaulo.

Layunin ng salmista ang sumulat ng awit ng pasasalamat at papuri sa Diyos, at ibahagi ang sarili niyang karanasan sa Diyos bilang isang patotoo. Pansinin sa unang anim na talata kung gaano kadalas ginamit ang mga salitang "ako", “ko” o "aking." Makikita rin natin ang mga linyang: "marinig sana ng mga mapagpakumbaba…," "Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon," " itaas natin ang kanyang pangalan," at "Tumingin kayo sa Kanya…." Sa pamamagitan ng mga linyang ito, inaanyayahan ng salmista ang mga nakikinig na kumonekta sa kaparehong Diyos na Kanyang naranasan at inilalarawan. Nagpapakita siya ng magandang halimbawa at inaanyayahan ang lahat na sundin ito. Karaniwan niyang pinagpapala at pinupuri ang Panginoon sa lahat ng pagkakataon hindi lang sa magagandang panahon, kundi pati na rin sa gitna ng mga pagsubok.

Tulad ng karaniwang mga awit ng pasasalamat, kasunod ng bahagi ng pagpapasalamat ang pagbabahagi tungkol sa pagpapalaya at pagliligtas ng Diyos. Inilarawan ng salmista kung paano niya hinahanap ang Diyos, at kung paano Sya pinakinggan at iniligtas ng Diyos mula sa takot. Tumawag ang salmista sa Diyos at dininig Siya. Iniligtas Siya ng Diyos sa Kanyang mga alalahanin. Nais ipaalam ng salmista na sumasagot ang Diyos sa panalangin at ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagpapalaya sa atin.

Ang Talata 5, na nasa pagitan ng dalawang talatang binanggit, ay nag-aanyaya sa lahat na tumingin sa Diyos at magningning at kailanman ay hindi sila mapapahiya. Ang salitang "magningning" ay nagpapaalala sa karanasan ni Moises nang pumunta siya sa piling ng Diyos. Kung hahanapin ng lahat ang presensya ng Diyos, sila rin ay magniningning o magliliwanag.

Sa mga kasunod na talata, patuloy na nagbabahagi ng karunungan ang salmista. Inaanyayahan niya ang mga nakikinig na gamitin ang kanilang mga pandama, tulad ng panlasa, paningin, at pandinig upang malaman nila ang kabutihan ng Diyos at maranasan nila ang Diyos sa kanilang sarili. Sinabi ng salmista na ang anghel ng Panginoon ay kasama ng mga may takot sa Diyos at ang Diyos ay nagliligtas sa kanila. Ang salitang "takot" na ginamit dito ay walang negatibong kahulugan; maaaring mas angkop gamitin ang mga salitang "pagtitiwala" o "paggalang." Sinabi ng salmista na ang Diyos ay laging kasama ng mga nagtitiwala sa Kanya, at maaari Siyang magparamdam sa ibat ibang paraan.

Idinedeklara sa Talata 10 na ang mga taong naghahanap sa Diyos ay mas mapalad pa kaysa sa mga batang leon. Ayon sa salmista, ang mga naghahanap sa Diyos ay hindi magkukulang sa anumang mabuting bagay.

Ang Talata 22 ang hulihan ng awit, ito ang nagpapatibay na inililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan at walang sinumang nanganganlong sa Kanya ang hahatulan. Hindi sinasabi ng salmista na magiging perpekto ang buhay dahil lang sa tayo ay tapat. Malinaw sa patotoo ng salmista na may mga takot at pagsubok pa rin, ngunit kapag humingi tayo ng tulong sa Diyos sa panahon ng pangangailangan, naririnig ang ating daing at hindi natin mararamdamang nag-iisa tayo. Alam ng salmista na paulit-ulit na nagliligtas ang Diyos. Ang patotoong ito sa tipon ay nagpapatunay na ang Diyos na nagligtas sa kanila mula sa pagkabihag ay patuloy pa ring nagliligtas sa kanila hanggang ngayon.

Pangunahing Kaisipan

  1. Sumasagot ang Diyos sa panalangin at inililigtas tayo sa ating mga takot at problema.
  2. Kapag hinahanap natin ang presensya ng Diyos, maihahawa o maipapamahagi natin ang Kanyang presensya sa iba.
  3. Inaanyayahan tayong maranasan ang Diyos para sa ating sarili gamit ang lahat ng ating pandama sa pakikinig, paningin, at maging sa panlasa. Ang lahat ng bagay ay pwedeng magpaalala sa atin ng presensya ng Diyos.
  4. Ang Diyos ay nasa sa ating buhay sa ibat-ibang paraan, at laging inililigtas tayo sa takot at kabagabagan.

Mga Tanong para sa Tagapagsalita

  1. Ano-ano ang mga bagay na pwede nating ipagpasalamat sa Diyos, at paano natin maibabahagi ang ating pagpapasalamat sa iba?
  2. Karamihan sa atin ay nakaranas na ng takot, pangamba, o dumaan sa mahihirap na panahon. Nagtitiwala ba tayo na naririnig ng Diyos ang ating daing at panalangin?
  3. Paano natin maipagpapatuloy ang ating pananampalataya kapag dumadaan tayo sa gitna ng pagsubok?
  4. Paano natin mararanasan ang presensya ng Diyos? Posible kayang ang isang taong malapit sa atin ang maging "anghel" na kumakatawan sa Diyos?

No comments:

Post a Comment

All Saints

Psalm 34:1-10 1 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras. Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya. 2 Ipagmamalaki ko ang...