Friday, October 9, 2026

Why Do We Turn Away?



“Bakit Tayo Tumalikod?”

Exodus 32:1-14

1Nang mapansin ng mga tao na masyado nang matagal si Moises sa bundok at wariʼy matagal pa ang pagbabalik, lumapit sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Ehipto.”

2Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” 3Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. 4Tinipon ni Aaron ang mga ito, tinunaw at hinugis na diyos-diyosang kaanyo ng guya. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang diyos natin na naglabas sa atin sa Ehipto.”

5Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” 6Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog pangkapayapaan. Pagkatapos, umupo sila upang kumain at uminom, at tumayo upang magpakasaya.

7Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Ehipto. 8Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng diyos-diyosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa diyos-diyosang ito at sinabi, ‘Ito ang diyos natin na naglabas sa atin sa Ehipto.’ ”

9At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Sa halip, ikaw at ang iyong angkan ay gagawin kong isang dakilang bansa.”

11Ngunit nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Diyos, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Ehipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12Ano na lang po ang sasabihin ng mga Ehipsiyo, na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Ehipto para lang patayin sila sa kabundukan at lipulin sa balat ng lupa? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo. Maghunos-dili po kayo, at huwag ninyo silang parusahan. 13Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.

Pagsusuri sa Banal na Kasulatan

Ang babasahin ngayong araw ay nasa gitna ng ikalawang bahagi ng Exodo (mga kabanata 20–40) na naglalarawan sa tipan sa pagitan ng Diyos at ng mga Israelita. Sa tradisyong Kristiyano at Judio, kay Moises ipinapalagay ang pagkasulat ng kuwento ng exodo, bagamat ang tunay na may-akda ay hindi talaga tiyak.

Nagsimula ang bahaging ito sa napansin ng mga Israelita na natatagalan ang pagbabalik ni Moises mula sa tuktok ng bundok. Nakasaad sa Exodo 24:18 na nawala si Moises nang 40 araw at gabi, ngunit hindi malinaw kung kailan ba talaga inaasahan ng mga tao ang kaniyang pagbabalik.

Dahil sa pagkawala ni Moises, naging balisa ang mga tao at hindi nila tiyak kung ano na ang nangyayari. Ibinaling nila ang kanilang pansin kay Aaron at nakiusap na “gawan kami ng mga diyos” (Exodo 32:1). Inutusan naman ni Aaron ang lahat na tipunin ang kanilang mga ginto, na gamit nila upang gumawa ng isang gintong baka (mga talata 3–4). Ipinagpalagay ng mga tao na ang gintong bakang ito ang nagpalaya sa kanila mula sa pagkaalipin. Nang marinig ni Aaron ang kanilang mga sinasabi, nagtayo siya ng isang dambana. Maaaring sinusubukan ni Aaron na ibalik ang pokus ng mga Israelita sa Panginoon (mga talata 5–6).

Bilang pagtatanggol sa ginawa ng mga Israelita, isinasaad ng ilang paliwanag sa Biblia na ang baka, o kahit man lang ang dambana, ay nagsilbi lamang na “upuan” ng Diyos o isang representasyon ng Diyos. Ang sabi naman ng ibang interpretasyon, nawalan ng pananampalataya ang mga Israelita dahil itinuring nilang kapalit ni Moises ang baka, at marahil pati na rin kapalit ng Diyos bilang sentro ng kanilang pagsamba. Anuman ang dahilan, malinaw na hindi natuwa ang Diyos (tingnan ang talata 7) sa ginawa ng mga Israelita at inutusan niya si Moises na ayusin ang mga tao. Tiyak din na tinawag ng Diyos ang mga tao bilang "mga tao ni Moises," sa halip na kilalanin sila bilang Kaniyang sariling bayan.

Sa natitirang bahagi ng pagbasa (mga talata 7–14), nagkaroon ng madamdamin at masinsinang usapan ang Diyos at si Moises. Galit at dismayado ang Diyos sa mga tao. Tinawag Niya ang kanilang mga gawa na masama at binanggit kung gaano sila "puno ng kapalaluan at matigas ang ulo" (talata 9). Ang huling pahayag ng Diyos ay may nakakagulat na pagkakatulad sa kuwento ng dakilang baha (Genesis 6–9), kung saan nilipol ng Diyos ang mga masasamang tao at nagsimula ng bagong bansa kasama si Noe. Nakiusap si Moises para sa awa ng Diyos sa mga Israelita. Nagsumamo siya sa Diyos na alalahanin ang mga pangakong nabitawan na Niya kina Abraham, Isaac, at Israel. Sa huli, nagtagumpay si Moises, at hindi itinuloy ng Diyos ang paggunaw sa mga Israelita.

May ilang mahahalagang aral na makukuha sa kuwentong ito:

Una, ang buhay bilang isang tagasunod ay hindi nangangahulugang magiging madali ang lahat. Nang palayain tayo mula sa pagkaalipin upang sumunod sa tawag ng Diyos, kailangan nating manindigan sa ating paglalakbay at manatiling tapat kahit sa mga mahirap na panahon. Minsan, nangangailangan ito ng malaking pasensya kapag ang mga pangyayari ay hindi naayon sa ating inaasahan o kapag wala ang mga pinuno kung kailan natin kailangan ang kanilang pansin.

Pangalawa, ang takot at labis na pag-aalala ay madalas na nagtutulak sa isang komunidad na kumilos nang walang pananampalataya. Kapag mahirap ang panahon, kailangan nating magsumikap—nang personal at sama-sama—na manatiling nakatutok sa pananaw ng Diyos para sa mundo. Dapat nating iwasan ang paggawa ng mga "gintong baka." Bukod dito, kailangan nating suportahan sa pamamagitan ng panalangin ang mga taong tinawag at nakatalaga upang mamuno. Kapag sumusuporta tayo sa mga miyembro ng priesthood at iba pang mga pinuno, nangangahulugan ito ng buong-pusong pagtitiwala sa kanila na magiging tapat silang pinuno na gagawin ang kanilang makakaya upang matupad ang kanilang mga tungkulin.

Pangatlo, kapag pagkakataon na ng isang tao na mamuno, kailangan niyang seryosohin ang responsibilidad na tulungan ang mga tao na manatiling nakapokus sa misyon ni Kristo sa mundo. Upang magawa ito, ang mga pinuno ay dapat manatiling patuloy na nakikipag-usap sa Diyos, habang nagdarasal para sa patnubay at awa.

Mga Pangunahing Kaisipan

·         Madaling makalimot kung kanino ka nabibilang kapag dumaraan sa mahihirap na panahon.

·         Madaling bumaling sa mga alternatibong "diyos," tulad ng gintong baka.

·         Madaling mawalan ng pananaw sa patutunguhan kapag nagiging mabigat na ang paglalakbay.

·         Madaling maligaw ng landas ang mga pinuno at ang mga tao kung hindi sila mananatiling nakasentro sa misyon ni Kristo.

Mga Tanong Para sa Tagapagsalita

1.      Ano ang nangyayari sa inyong iglesya o komunidad ngayon na nagdudulot ng duda at takot sa mga tao?

2.      Anong mga saloobin at pag-uugali ang nakikita mo habang ang mga tao ay natatangay ng kanilang mga duda at takot?

3.      Ano-ano ang mga posibleng "gintong baka" na "sinasamba" mo o ng inyong iglesya?

4.      Anong mga salita ng pagpapatibay at pag-asa ang maibabahagi mo upang ipaalala sa mga tao na sila ay mga anak ng Diyos at bahagi ng isinasagawang misyon ni Kristo sa lupa, maging sa pinakamabuti o pinakamahirap man na panahon?

No comments:

Post a Comment

Why Do We Turn Away?

“Bakit Tayo Tumalikod?” Exodus 32:1-14 1 Nang mapansin ng mga tao na masyado nang matagal si Moises sa bundok at wariʼy matagal pa ang p...