Additional Scriptures
Psalm 105:1-6, 16-22, 45b; Matthew 14:22–33; Romans 10:5–15
Genesis 37:1-4, 12-28
1Nagpaiwan si Jacob upang manirahan sa Canaan, ang lupaing tinitirhan din dati ng kanyang ama.
2Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob.
Nang labing-pitong taóng gulang na si Jose, nagbabantay siya ng mga hayop kasama ng kanyang mga kapatid na mga anak ni Bilha at ni Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama. Ipinagtapat ni Jose sa kanyang ama ang masasamang ginagawa ng kanyang mga kapatid.
3Mas mahal ni Jacob si Jose kaysa sa iba niyang mga anak, dahil matanda na siya nang isilang si Jose. Kaya itinahi niya si Jose ng maganda at mahabang damit. 4Ngunit nang napansin ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, nagalit sila kay Jose at naging marahas ang kanilang pananalita sa kanya.
12-28
12Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem upang magbantay ng mga hayop ng kanilang ama. 13Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Maghanda ka, papupuntahin kita sa kanila.”
Sumagot si Jose, “Opo ama.”
14Kaya sinabi ni Jacob kay Jose, “Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at magbalita sa akin.” At humayo nga si Jose mula sa Lambak ng Hebron.
Nang makarating si Jose sa Shekem, 15may lalaking nakakita sa kanyang pagala-gala sa bukid na nagtanong kung ano ang hinahanap niya.
16Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”
17Sinabi ng lalaki, “Wala na sila rito. Narinig kong pupunta raw sila sa Dotan.”
Kaya sinundan sila roon ni Jose at nakita niya sila malapit sa Dotan. 18Ngunit malayo pa lamang si Jose ay nakita na siya ng kanyang mga kapatid. At bago pa siya makarating, binalak na nila na patayin siya.
19Sinabi nila, “Narito na ang mahilig managinip! Halikayo, patayin natin siya 20at ihulog sa isa sa mga balon dito. Sabihin na lang natin na pinatay siya ng mabangis na hayop. Tingnan nga natin kung magkakatotoo ang mga panaginip niya.”
21Nang marinig ni Ruben ang balak nila, sinikap niyang iligtas si Jose. Sinabi niya, “Huwag na lang natin siyang patayin. 22Ihulog nʼyo na lang siya rito sa balon sa ilang, ngunit huwag ninyo siyang papatayin.” Sinabi iyon ni Ruben dahil plano na niyang iligtas si Jose at ibalik sa kanilang ama.
23Kaya pagdating ni Jose, hinubad nila ang mahaba at magandang damit nito, 24at inihulog sa balon na walang tubig.
25Habang kumakain sila, may natanaw silang mga mangangalakal na Ismaelitang nanggaling sa Gilead. Ang mga kamelyo nila ay may kargang mga sangkap, gamot at pabangong dadalhin sa Ehipto.
26Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Ano ba ang makukuha natin kung papatayin natin ang kapatid natin at ililihim ang kamatayan niya? 27Ang mabuti pa siguro ipagbili natin siya sa mga Ismaelitang iyan. Huwag natin siyang patayin dahil kapatid natin siya.” Pumayag ang mga kapatid ni Juda sa sinabi niya.
28Kaya pagdaan ng mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili nila sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala si Jose ng mga Ismaelita sa Ehipto.
Pag-unawa sa Banal na Kasulatan
Ang kuwento kung saan binalak ng mga kapatid ni Jose na
patayin siya, pero sa huli ay ibinenta na lang siya sa mga nomado na papuntang
Ehipto, ang naging daan para lumipat ang pamilya ni Jacob sa Ehipto. Ikinakabit
ng kuwentong ito ang pamilyang may mga 70 tao sa kanilang mga naging anak at
apo—ang mga sinaunang Israelita—na magdaranas ng pang-aapi sa ilalim ng Faraon
at kalaunang palalayain ni Moises sa Exodo. Ang mga talatang ito ang simula ng
huling mga kabanata ng Genesis na mas kilala bilang Joseph Narrative (kabanata
37–50). Ang mensaheng teolohiko ng bahaging ito ay simple: kumikilos ang Diyos
sa pamamagitan ng mga gawa ng tao at sa mga paraan ng mundo.
Para maunawaan at maipangaral ang mga talatang ito,
magandang ipaalala ng tagapangaral sa kongregasyon kung ano ang kinahinatnan ng
taksil na pagbebenta sa isang kapatid bilang alipin. Sa pagtatapos ng Genesis,
muling nagkasama-sama ang magkakapatid at ganap na nagkaayos ang kanilang
relasyon. Naniniwala ang maraming iskolar na ang bahaging ito ng Genesis ay
isinulat noong ika-10 siglo BCE, noong gustong kilalanin ng mga manunulat sa
panahon ni Solomon ang mga lihim na pagkilos ng Diyos sa bansang Israel.
Ipinapakita ng bahaging ito ng Genesis kung paano nakikialam ang Diyos sa mga
laban ng isang pamilya tungkol sa kapangyarihan at paboritismo, at kung paano
Siya nagpaplano ng kabutihan sa kabila ng inggitan ng magkakapatid. Sa madaling
salita, tinutuklas ng tekstong ito ang kabutihang layunin ng Diyos sa kabila ng
mga pagkukulang ng tao.
Nagsisimula ang teksto sa “Ito ang kasaysayan ng pamilya ni
Jacob” at ipinapakilala si Jose bilang paboritong anak ni Jacob. Agad na
ipinapakita rito ang pagkasira ng maayos na ayos at estado ng pamilya. Si Jose
ang unang anak ni Jacob sa paborito niyang asawa na si Raquel. Ang galit at
inggit ng mga mas nakatatandang kapatid mula sa ibang mga asawa ni Jacob ay
agad na pumasok sa sirang relasyon nang mapansin nila ang paboritismong ito.
Hindi sila makipag-usap nang maayos o "may kapayapaan" kay Jose (t. 4).
Ang regalong mahabang damit na may kamay ay may espesyal na papel sa
kuwento—simbolo ito ng espesyal na relasyon ni Jacob at Jose, at nagbibigay kay
Jose ng tila pangkaring royalty na estado.
Kahit wala sa teksto ngayong araw, ang mga panaginip ni Jose
tungkol sa pamumuno at kapangyarihan sa kanyang mga kapatid sa mga talatang 5
hanggang 11 ay lalong nagpaalab sa sama ng loob ng magkakapatid. Noong
sinaunang panahon, ang mga ganitong panaginip ay itinuturing na galing sa Diyos
na hula para sa hinaharap. Tandaan na sa kalaunan ng kuwento ni Jose,
partikular sa kabanata 50, nagkatotoo ang panaginip na ito.
Kahit tahimik at hindi direktang binabanggit sa talata, ang
Diyos ang pangunahing tauhan sa kuwento. Sinubukan ng mga kapatid ni Jose na
harangan ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabalak na patayin si Jose at
itapon ang bangkay nito sa isang balon sa ilalim ng lupa. Sinabi nila sa
talatang 20, “Halikayo, patayin natin siya at itapon sa isa sa mga balon...
tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.” Dito,
ipinapakita ng may-akda na sinisikap ng magkakapatid na pigilan ang tawag ng
Diyos kay Jose.
Dahil kina Ruben at Juda, nagdesisyon din ang magkakapatid
na ibenta na lang si Jose sa mga nomadong papuntang Ehipto. Ang ginawa nilang
ito ang naglatag ng entablado para sa natitirang bahagi ng kuwento sa Genesis.
Pagkalipas ng maraming taon, naglakbay ang magkakapatid papuntang Ehipto dahil
sa taggutom at doon nila nakatagpo si Jose. Pinatawad sila ni Jose at nagkaayos
silang magkakapatid. Ang kanilang mga naging descendants, ang mga sinaunang
Israelita, ay humantong sa pagiging alipin sa Faraon habang naghihintay ng
pagpapalaya ng Diyos. Ang kuwento nila ay isinalaysay sa aklat ng Exodo. Sa
kabila ng poot, karahasan, galit, panlilinlang, at inggit ng magkakapatid,
inilalarawan ng mga may-akda ng Genesis ang Diyos bilang tago man, ay
mananatiling maaasahan at kumikilos pa rin anuman ang gawin o maging saloobin
ng tao.
Pangunahing Kaisipan
- Kumikilos ang Diyos sa kasaysayan ng tao nang may banal na layunin.
- Ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Ang Kanyang mga paraan ay tiyak at maaasahan.
- Kahit sa mga panahon ng agawan sa kapangyarihan, sakit, inggit, at sugat, ang Diyos ay naroroon at nakikialam. Ang pag-asa ng Kristiyano ay nangangahulugang maganda ang hinaharap.
Mga Tanong para sa Mangaral
- Saan kumilos ang Diyos sa buhay ng kongregasyon sa mga panahong tila napakahirap?
- Tulad ni Jose, anong mga panaginip ang pinapangarap natin? Anong mga pangako ang ibinibigay ng Diyos para sa atin? Ano ang banal na layunin ng Diyos para sa atin?
- Tulad ng mga kapatid ni Jose, paano natin tinanggihan ang mga kagustuhan at panaginip ng Diyos sa ating buhay? Sinubukan ba natin harangan ang banal na layunin ng Diyos sa ating buhay, sa ating simbahan, sa ating mga komunidad, at sa ating mundo?