Encounter God’s Solidarity
Exodus 3:1-15
1Isang araw, inaalagaan ni Moises ang kawan ng
biyenan niyang si Jetro na pari ng Midian. Dinala niya ang kawang ito
sa malayong bahagi ng ilang at nakarating siya sa Horeb, ang bundok
ng Diyos. 2Nagpakita sa kanya roon ang anghel
ng Panginoon sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang
punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi
naman nasusunog. 3Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi
iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.”
4Nang makita ng Panginoon na papalapit
si Moises upang tumingin, tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang
punongkahoy, “Moises, Moises!”
Sumagot si Moises, “Narito po ako.”
5Sinabi ng Diyos, “Huwag ka nang lumapit pa.
Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan
mo. 6Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham,
Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya
ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Diyos.
7Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko
ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Ehipto. Narinig ko
ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng
mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang
mga pagdurusa. 8Kaya bumaba ako upang iligtas sila sa
kamay ng mga Ehipsiyo, at upang dalhin sila sa mayaman, malawak at
masaganang lupain na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo,
Perezeo, Heveo at mga Jebuseo. 9Narinig ko ang paghingi ng
tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng
mga Ehipsiyo. 10Kaya ipapadala kita sa Faraon upang
palayain ang aking mga mamamayang Israelita sa Ehipto.”
11Ngunit sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino po ba
ako upang pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita mula sa Ehipto?”
12Sinabi ng Diyos, “Sasamahan kita, at ito ang
tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita
sa Ehipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
13Sinabi ni Moises sa Diyos, “Kung sakali pong
pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Diyos ng
kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin upang iligtas sila, at magtanong
sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa
kanila?”
14Sumagot ang Diyos kay Moises, “Ako ay
Ako. Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ako ay Ako ang nagpadala sa
akin.’ ”
15Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Sabihin mo ito
sa mga Israelita: ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno na
sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’
Ito ang aking pangalang magpakailanman
na itatawag sa akin ng lahat ng mga salinlahi.
Pag-unawa sa Kasulatan
Ang 15 talatang ito sa Exodo ay nagpapatunay ng pangunahing
ugnayan ng mga Israelita at ng Diyos. May awa ang Diyos sa kanilang paghihirap.
Sumasama ang Diyos sa kanilang paglalakbay at tumatawag Siya ng mga pinuno para
palayain sila sa pagkaalipin at pang-aapi. Nangako ang Diyos na sasamahan sila
sa kanilang mga paghihirap at tagumpay. Ang Diyos ng mga Israelita ay ang
dakila at di-matatawaran ang banal na presensiya sa nakaraan, kasalukuyan, at
hinaharap. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang “AKO SI AKO NGA” na
kinakatawan ng tetragrammaton na YHWH. Maraming salin sa Ingles ang gumagamit
ng “ang Panginoon” kapalit ng YHWH. Kahit si Moises ang pangunahing tauhan sa
Aklat ng Exodo, nakatutok ang 15 talatang ito sa katangian ni YHWH at sa
ugnayan Niya sa Kanyang bayan.
Pasok si Moises sa pamilyar na hulmahan ng mga importanteng
tao sa Hebreong Bibliya. Ang maagang bahagi ng buhay niya ay puno ng pagsubok
at tila malabong simula para maging isang mahalagang tao. Pagkatapos siyang
ipakilala sa Exodo 2, makikita natin si Moises sa Exodo 3 na namumuhay bilang
isang simpleng pastol na nag-aalaga ng kawan ng kanyang biyenan sa Bundok ng
Horeb. Inilarawan niya ang sarili bilang “isang dayuhang nakatira sa ibang
lupain” (Exodo 2:22) dahil nagtago siya matapos makapatay ng isang bantay na
Ehipsyo. Bago nangyari ang pagpatay, si Moises ay inampon ng isang prinsesang
Ehipsya. Nabuhay siya sa dalawang magkaibang mundo—bilang isang prinsipe at
bilang anak ng mga alipin. Ipinanganak siyang isang aliping Hebreo at nailigtas
sa bitay dahil sa wais na aksyon ng kanyang ina at kapatid. Ang kanyang
kahalagahan ay hindi nanggaling sa sarili niyang kusa kundi dahil sa tawag ng
Diyos.
Inilarawan sa Exodo 3:1 ang Bundok ng Horeb bilang “bundok
ng Diyos.” Ang pangalan nito ay nagpapahiwatig ng isang disyerto. Dito sa
bundok na ito sa disyerto, na siya ring lugar kung saan niya natanggap ang
Kautusan kalaunan, nakatagpo ni Moises si YHWH. Nagpakita ang anghel ng
Panginoon sa isang nagniningas na palumpong na hindi natutupok. Saka lamang
narinig ni Moises ang tawag ng Diyos at narerealize na nakatayo siya sa banal
na lupa nang piliin niyang “lumapit at tingnan ang kamangha-manghang tanawing ito”
(t. 3). Nagpakita si YHWH ng awa sa mga Israelita at tinawag si Moises para
kumilos. Dalawang beses sumagot si Moises na may malaking pag-aalinlangan
tungkol sa pagtanggap ng tawag na ito (sa mga kasunod na talata, tatlong beses
pa siyang nagtangkang tumanggi). Sinagot ni YHWH ang mga pag-aalinlangan ni
Moises sa pamamagitan ng paggarantiya ng Kanyang tapat at 'di magbabagong
samahan. Naging isang bayani si Moises para sa mga Israelita noong atubili
niyang tinanggap ang tawag mula kay YHWH.
May mahahalagang aral ang Exodo 3 para sa mga tao ngayon na
nananalig sa Buhay na Diyos. Ang buhay natin ay pwedeng magmukhang karaniwan
lang at walang gaanong halaga sa mundo. Pero kapag handa tayong ituon ang ating
pansin sa Banal na Presensiya ng Diyos, tayo man ay may mahalagang tungkuling
dapat gampanan para sa ikabubuti ng mundo. Sa ating pag-aalinlangan, tinitiyak
sa atin ng Diyos na hindi tayo naglalakbay nang mag-isa dahil sa Kanyang
dakila, di-matatawarang presensiya, at tapat na pagsama.
Mga Pangunahing Kaisipan
- Ang
pagbibigay-pansin sa mga "nagniningas na palumpong" sa buhay
natin ang nagpaparealize sa atin na nakatayo tayo sa banal na lupa.
- Ang
hangad ng Diyos ay awa at kalayaan mula sa pang-aapi.
- Ang
patuloy na pagsama ng Diyos ang nagbibigay-lakas kay Moises para
maglingkod kahit na nag-aalinlangan siya noong una.
Mga Tanong para sa Tagapagsalita
- Kailan
huling nangyari na talagang nakuha ng presensya ng Diyos ang atensyon mo
sa makapangyarihang paraan?
- Kailan
mo sinubukang limitahan o ilagay sa kahon ang Diyos?
- Paano
ipinapaalala at ipinapadama sa 'yo ng Diyos na hindi ka nag-iisang
naglilingkod?
No comments:
Post a Comment