Gaano Ba Kalalim Ang Ating Pagmamalasakit?
1 Thessalonians 2:1-8
1Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na
hindi nasayang ang pagpunta namin diyan sa inyo. 2Alam nʼyo ang mga paghihirap at pag-aalipusta na dinanas namin sa Filipos
bago pa man kami dumating diyan. Ngunit sa kabila nito, binigyan kami ng Diyos
ng lakas ng loob na ipangaral ang Magandang
Balita sa inyo, kahit na marami ang kumokontra
sa amin. 3Sapagkat ang pangangaral
namin ay hindi batay sa kamalian o sa hangaring mandaya o manloko. 4Bagkus, sinubok
kami ng Diyos at napatunayan kaming mapagkakatiwalaan. Hinirang niya kami upang
ipahayag ang Magandang Balita at sa dahilan lamang na ito kamiʼy nangangaral. Ginagawa namin
ito hindi upang bigyang-lugod ang tao, kundi ang Diyos na patuloy na
sumisiyasat sa aming mga puso. 5Kahit minsan ay hindi namin kayo
ginamitan ng mabulaklak na pananalita. Ang Diyos ang aming saksi na hindi kami
nagpanggap na kaibigan ninyo upang makuha ang inyong pera. 6Hindi
namin hinangad ang papuri ng tao, mula man sa inyo o sa iba, 7kahit
puwede naming ipagpilitan ang karapatan namin bilang mga apostol ni
Kristo.
Sa halip, naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang
mapagkalingang ina sa mga anak niya. 8At dahil sa laki ng
pagmamalasakit namin sa inyo, natutuwa kaming ibahagi sa inyo hindi lamang
ang Magandang Balita ng Diyos kundi pati na rin ang aming buhay, sapagkat
napamahal na kayo sa amin.
Pag-unawa sa Kasulatan
Noong panahon ni Pablo, kapag ang mga guro, pilosopo, o mga
magulang ay sumusulat ng payo para sa kanilang mga anak o estudyante,
pinapaalala nila ang kanilang magandang samahan at mga pinagdaanan. Ito rin ang
pokus ng ating pagbasa ngayon, habang inaalala ni Pablo ang unang pagbisita
niya sa Tesalonica.
Sa Gawa 16:16-40, makikita ang mga paghihirap na dinanas ni
Pablo sa Filipos bago siya pumunta ng Tesalonica. Pinaratangan siya ng mga
taga-Filipos ng kasakiman, panghihikayat sa bawal na paraan, at panlilinlang.
Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, nabanggit niya ang paghihirap at
pagtutol na naranasan niya sa Filipos. Ngunit binigyan siya ng Diyos ng lakas
ng loob na ipangaral ang Magandang Balita sa kabila ng mga humahadlang. Noong
nagpatotoo siya sa mga taga-Tesalonica, wala siyang ginamit na anumang
panlilinlang o pagsisinungaling para lamang paniwalaan siya. Nangaral si Pablo
mula sa puso para sa ikalulugod ng Diyos at hindi ng tao. Saksi ang mga
taga-Tesalonica na hindi siya nanlinlang, hindi naghanap ng sariling
kapakinabangan, at hindi naghangad ng papuri at parangal para lang i-angat ang
sarili. Ang pagtatanggol na ito sa kaniyang pag-uugali ay nagpapakita sa atin
kung paano kumilos ang ibang mga taong naghahangad lang ng katanyagan at pera
sa pamamagitan ng pamamahayag o pag-i-ebanghelyo.
Sa talata ika-pito, tinawag ni Pablo ang kaniyang sarili, si
Silvano, at si Timoteo na mga "apostol." Ang salitang Griego para sa
"apostol" ay nangangahulugang "isang isinugo" at hindi ito
isang opisyal na posisyon o titulo sa simbahan. Lahat ng isinugo ng Espiritu ni
Cristo upang ibahagi ang Magandang Balita ay pwedeng tawaging apostol. Madalas
gamitin ni Pablo ang tawag na ito para sa mga natatanging lalaki at babae na
masisipag at puspos ng Espiritu Santo na namumuno sa mga simbahang Gentil. Alam
niya na siya at ang kaniyang mga kasama ay may karapatan sanang humingi ng mga
bagay na karaniwang hinihingi ng mga naglalakbay na rabi o guro, mga pilosopo
noong panahong iyon tulad ng bayad sa pagtuturo, komportableng tirahan, at espesyal
na trato mula sa mga tagasunod. Ngunit nagtrabaho si Pablo para buhayin ang
sarili upang hindi maging pabigat o pasanin sa mga nagsisimulang simbahan.
Ang ilang pilosopo noong araw ay nagtuturo sa pamamagitan ng
pagpuna at pag-insulto sa kanilang mga estudyante. Pero ang grupo ni Pablo ay
nagsalita nang may kabaitan, tulad ng isang inang nag-aalaga ng kaniyang sanggol. Sa mga kasunod na
talata, ginamit naman ni Pablo ang larawan ng isang amang buong pagmamahal na
nag-aalaga sa kaniyang anak. Ang dalawang larawang ito ay nagpapakita na ang
mga bagong alagad sa Tesalonica ay bago at mura pa lamang sa kanilang
pananampalataya at kailangang patuloy na lumago sa Magandang Balita. Handa at
bukal sa loob ni Pablo na tulungan sila sa paglalakbay na iyon.
Ang paglilingkod ni Pablo ay hindi lang nagtapos sa
salita—ibinigay din niya ang kaniyang oras at presensya. Nagtagal siya at ang
kaniyang grupo sa Tesalonica upang tunay na makilala ang mga tao. Nung kilala
na nila ang puso at isip ng mga tao, doon pa lang nila totoong nahimok ang mga ang
mga taga-Tesalonica upang magbahagi sa ibang lugar. Walang kabuluhan ang
paglilingkod kung ang naglilingkod ay hindi ibinibigay ang sarili at ang
kaniyang oras habang ibinabahagi ang Magandang Balita.
Ang pag-alala ni Pablo sa kaniyang mga paraan ng pamamahayag
ay hindi lang simpleng kwentuhan. Nagsilbi itong halimbawa na dapat sundin ng
mga taga-Tesalonica sa kanilang pagbabahagi sa iba. Parang sinasabi ni Pablo sa
kanila: "Gawin ninyo ang ginawa ko." Huwag maghanap ng espesyal na
trato o mataas na posisyon. Maglingkod nang may kababaang-loob at walang takot,
kahit na may mga pag-uusig. Makipamuhay kayo sa mga tao at kilalanin sila.
Akayin at alagaan niyo sila habang lumalago. Magsalita ng katotohanan nang may
kabaitan at katapatan, sa patnubay ng Espiritu Santo. Magpatotoo kayo para sa
karangalan ng Diyos, hindi para sa sariling kapakinabangan. At pagpapalain ng
Diyos ang inyong gagawin ngayon at sa hinaharap, tulad ng ginawa Niya noong
araw.
Mga Pangunahing Kaisipan
- Nagsimula
ang paglilingkod ng grupo ni Pablo sa Tesalonica pagkatapos ng pag-uusig
sa kanila sa Filipos, at sa kabila ng mga humahadlang sa kanila sa
Tesalonica.
- Iniiwasan
ng grupo ni Pablo ang panlilinlang, pagsisinungaling, pang-uuto, at
pagmamataas habang ibinabahagi ang Magandang Balita. Ang layunin nila ay
palugdan ang Diyos, hindi ang tao.
- Sa
halip na humingi ng bayad o espesyal na trato, nagtrabaho si Pablo at ang
kaniyang mga kasama para sa kanilang pangangailangan, nagsalita nang may kabaitan,
at buong pagmamahal na inalagaan ang mga bagong mananampalataya.
- Sinundan
ng mga taga-Tesalonica ang halimbawang iyon sa paglilingkod habang patuloy
nilang ipinapangaral ang Magandang Balita.
Mga Tanong para sa
Tagapagsalita (Speaker)
1. Ano
ang nakatulong sa mga taga-Tesalonica upang mula sa pagiging simpleng tagasunod
ay maging magandang halimbawa sila sa paglilingkod?
- Paano
mo iaangkop sa makabagong panahon ngayon ang pamantayan at etiketa o ethics
ni Pablo sa paglilingkod noong unang siglo?
- Kailan
ka huling natukso na magpayaman o magkaroon ng personal na pakinabang
dahil sa iyong tawag bilang lingkod ng Diyos?
- Kailan
mo naranasang itaas o ilagay ka sa pedestal ng mga tao, kahit na ginagawa
mo ang lahat para maiwasan ang karangalan o pagtataas sa’yo?
No comments:
Post a Comment