Mateo 11:16-19, 25-30
16“Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na nagrereklamo sa kanilang mga ibang kalaro:
17‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, ngunit
hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa,ngunit hindi kayo
umiyak!’
18Sapagkat nang dumating dito si Juan, nakita
nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasapian
siya ng demonyo.’ 19Nang dumating naman ang Anak ng Tao, nakita
nilang kumakain siya at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay
matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang
makasalanan.’ Ganoon pa man, ang karunungan ay napapatunayang tama sa buhay ng
mga taong tumanggap nito.”
25-30
25Nang oras ding iyon, sinabi ni Hesus, “Pinupuri
kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang
mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sarili ay marurunong at
matatalino, at ipinaalam mo sa mga taong tulad ng bata sa kaalaman. 26Oo,
Ama, dahil iyon ang kalooban mo.
27“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng
bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama
kundi ang Anak at ang mga taong nais ng Anak na makakilala sa Ama.
28“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na
nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng
kapahingahan. 29Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil
ako ay maamo at may mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, 30dahil
madaling sundin ang mga utos ko at magaan ang ipinapagawa ko."
Pag-unawa sa Kasulatan
Nagsimula ang talata kung saan ipinapakita ni Hesus ang mga pagkumpara ng mga tao sa Kanya at sa mga sinasamahan Niya. Parang sinasabi na nga ni Hesus na pagod na Siyang mapagbintangan dahil lang sa "guilt by association" (o nadadamay sa husga ng iba). Sa tugon Niya, sinabi Niya sa mga tao na patuloy na umaabot ang Diyos sa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala ng iba't ibang uri ng mensahero. Si Juan nga, na mahilig mapag-isa, ay tinawag nilang mapagbukod o "recluse." Si Hesus naman na nakikihalubilo sa mga tao, inirereklamo pa rin nila na dapat daw iba na lang ang pinili Niyang samahan. Ibang mensahe ang gustong pakinggan ng mga tao, at iba namang mensahe ang ibinabahagi ni Hesus; kaya pinagtawanan Siya ng mga tao dahil ang mensahe Niya ay salungat sa nakasanayan ng kultura nila.
Habang nagpapatuloy ang talata, biglang nagbago ang mood ni Hesus. Marahil naisip Niya na hindi mo talaga mapapapasaya ang lahat, kaya nagpasalamat na lang Siya sa Diyos para sa mga taong handang ibigay ang lahat para sa kaharian ng Diyos. Siya ang pastol—ang gabay—na nag-aanyaya sa mga tao na lumapit sa Kanya, sa isang lugar kung saan maaari silang magsimulang magtiwala, at sa ganoong paraan ay makilala ang Diyos. Nararamdaman Niya ang bawat pangangailangan ng tao, pero ang mensahe Niya ay hindi tungkol sa pagbibigay ng lahat ng kahilingan natin.
Madalas nating napababayaan ang ating "spiritual journey" o buhay-pananampalataya dahil sa mas mabibigat na prayoridad sa buhay. Sa bahaging ito ng talata, inaanyayahan ni Hesus ang mga nakikinig sa Kanya—pati na tayo ngayon—na baguhin ang tingin natin sa kung ano ba talaga ang mahalaga. Ang paanyaya Niya ay, “Lumapit kayo sa Akin.” Espesyal na kinakausap ni Hesus ang mga taong pagod na pagod sa trabaho at may mabibigat na pinapasan. Sa karamihan ng tao noong araw na iyon, may mga mahihirap na karanasan sa matinding hirap sa ilalim ng politikal at relihiyosong pang-aapi. Inanyayahan sila ni Hesus na makipamatok sa Kanya (o makiisa sa Kanya) upang makahanap ng ginhawa at kapahingahan.
Ang pagiging handang makiisa kay Hesus ay nangangailangan ng pagpapakumbaba at pagiging bukas sa bawat tao sa Diyos. Binubuksan nito ang pang-unawa na ang bawat isa ay nakalaan para sa mga layunin ng Diyos sa kanilang buhay. Para magawa iyon, kailangan muna nilang mapalaya sa araw-araw na pang-aapi na kanilang dinaranas, kaya dalawang beses silang inanyayahan ni Hesus na magpahinga—para sa kanilang pisikal na pangangailangan at para sa kanilang kaluluwa. Ang bersikulo 28 ay isang paanyaya sa kapahingahang pang-Sabbath, ang uri ng pahinga na naglalagay sa isang tao sa landas ng paggaling. Sa pahingang iyon, mararanasan nila ang kalayaang iniaalok ni Kristo.
Ang talata natin ngayon ay nagpapaalala sa atin ng pagiging tao ni Hesus habang ipinapakita Niya ang Kanyang pagkabigo sa kawalan ng pang-unawa ng mga tao, at pagkatapos ay ang Kanyang biyaya habang tinatanggap Niya ang mga tao na lumapit sa Kanya. Madalas din tayong kulang sa pag-unawa, pero tinatanggap pa rin tayo ni Hesus na bumalik nang may pagyakap Niya. Nawa'y makatagpo tayo ng kaaliwan, kapayapaan, at lakas habang lumalapit tayo kay Hesus sa araw na ito.
Mga Pangunahing Kaisipan (Central Ideas)
- Kulang sa pag-unawa ang mga tagasunod ni Hesus sa Kanyang mensahe. Madalas din nating hindi nakukuha ang gusto Niyang sabihin.
- Pero dahil sa Kanyang biyaya at habag, patuloy pa rin tayong inaanyayahan ni Hesus na ipasa sa Kanya ang lahat ng ating mga alalahanin at problema upang makatagpo tayo ng kapahingahan.
- Ipinapaalala nito sa atin ang pagiging tao ni Hesus, pati na rin ang Kanyang biyaya, awa, at pagmamahal sa atin—na kung saan lumalapit tayong pagod at may mabibigat na pasanin, ngunit aalis tayong puno ng kapayapaan at pag-ibig.
Mga Tanong para sa Tagapagsalita (Questions for the Speaker)
- Ano-ano ang mga pagkakataon na pinigilan mo ang sarili mong magpahinga, kaya sa huli ay naramdaman mo na lang na pagod na pagod ka na?
- Sa paanong mga paraan ka naman nakapagpahinga sa piling ng Diyos, at naramdaman mong buhay na buhay ang iyong espiritu sa Kanya?
- Ang talatang ito ay tungkol sa pagbibigay-buhay sa ating mga kaluluwa; ano ang maaari mong gawin para makatulong na magbigay-buhay habang naglilingkod ka kasama si Hesus?
- Ang talatang ito ay tungkol din sa pagtitiwala. Paano mo ipinakita ang iyong pagpapakumbaba at pagiging bukas sa Diyos sa iyong ministeryo ngayong linggo?
No comments:
Post a Comment