Grow in Christ
Romans 6:12-23
12Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan
sa inyong katawang namamatay, upang hindi na ninyo sundin ang masasamang
hilig nito. 13Huwag na ninyong gamitin ang alinmang bahagi
ng inyong katawan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong
sarili sa Diyos bilang mga taong binigyan ng buhay. Ilaan ninyo sa Diyos ang
inyong katawan sa pamamagitan ng paggawa ng nararapat sa kanyang
harapan. 14Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo
ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim
na ng biyaya ng Diyos.
15Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng
Kautusan kundi nasa biyaya na ng Diyos, nangangahulugan bang magpapatuloy pa
rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Siyempre hindi! 16Hindi ba
ninyo alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin
ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Ngunit kung
sumusunod tayo sa Diyos, mga alipin tayo ng Diyos at ang dulot nitoʼy pagiging matuwid. 17Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Ngunit
salamat sa Diyos dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na
itinuro sa inyo. 18Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng
katuwiran.
19Ginagamit kong halimbawa ang tungkol sa mga
alipin upang madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon
namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan upang maging banal kayo. 20Noong
alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay. 21Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong
gawain na ikinakahiya nʼyo
na ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan. 22Ngunit
pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng
Diyos. At ang dulot nitoʼy
kabanalan at buhay na walang hanggan. 23Sapagkat
ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,
ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan
ni Kristo Hesus na ating Panginoon.
Pag-unawa sa Kasulatan
Noong nakaraang linggo, pinag-aralan natin ang tungkol sa pakikibahagi sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus sa pamamagitan ng bautismo. Kasabay ng paglibing sa atin kasama ni Kristo sa tubig ng bautismo, namatay na rin tayo sa kapangyarihan ng kasalanan. Muli tayong bumabangon para sa isang bagong buhay, kung saan tayo ay “buhay para sa Diyos” dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. Ngayong linggo naman, gagamitin ni Pablo ang simbolo ng mga alipin at sundalo para dalhin tayo mula sa teorya ng katwiran (justification) patungo sa praktikal na pagsasabuhay nito sa araw-araw.
Nagsimula siya sa pagpapakita ng kapangyarihan at kontrol gamit ang salitang “dominion” o pamamahala. Isipin ninyo na ang kasalanan ay parang isang pinuno na humihingi ng katapatan at pagsisilbi. Nakiusap siya sa mga tapat na mananampalataya sa Roma na huwag ibigay ang kanilang mga "bahagi ng katawan" (mga kakayahan, talento, at ninanais) bilang mga sandata para magsilbi sa kasalanan. Sa halip, dapat nilang ialay ang buong pagkatao nila sa Diyos para sa Kanyang mga layunin, sa pagkaalam na wala nang kontrol ang kasalanan sa kanilang buhay.
Sinasabi sa talata 14, “wala na kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim na ng biyaya.” Para sa isang Judio, ang pagiging “nasa ilalim ng kautusan” ay nagpapaalala sa batas ng mga Judio (Torah) at sa maraming interpretasyon at dagdag sa orihinal na Batas ni Moises. Pero marami sa mga miyembro ng simbahan sa Roma ay mga Hentil (mga hindi Judio). Para sa kanila, ang pagiging “nasa ilalim ng kautusan” ay nangangahulugang pagsisikap na sumunod sa iba't ibang batas ng lungsod, lipunan, at relihiyon. Para sa dalawang grupong ito, idinidiin ng batas ang sariling pagsisikap ng tao para maging perpekto at banal—isang gawaing walang katapusan. Hindi kapantay ng tao ang Diyos. Ang Diyos lang ang nagbibigay ng regalo ng biyaya na siyang susi sa matuwid na pamumuhay.
Pinalawak pa ni Pablo ang ideyang ito gamit ang larawan ng mga alipin. Pansinin na ang paghahambing dito ay hindi sa pagitan ng pagiging alipin at pagiging malaya, kundi sa pagitan ng dalawang uri ng pagkaalipin. Hindi tayo kailanman ganap na malaya. May pinagkakautangan tayo ng katapatan sa alinman sa dalawang Panginoon (Tingnan ang Mateo 6:24). Kanino ba tayo kabilang? Kanino ba naroroon ang ating katapatan at pagsunod? Ano ang laging laman ng ating isip at ano ang nagkokontrol sa ating paggastos?
Binigyang-diin ni Pablo na dumaan tayong lahat sa pagiging alipin ng kasalanan, kung saan sinusunod natin ang mga udyok at silakbo ng ating sirang katangian bilang tao. Ang resulta nito ay espirituwal na kamatayan. Ngunit sa pagbubukas ng ating puso sa mga turo ng Espiritu, tayo ay “pinalaya na mula sa kasalanan.” Ang mga kasalanang nagkokontrol sa atin ay hindi lang basta nabawasan, kundi tuluyan nang tinalo. Inilipat na natin ang ating pagsunod sa ibang Panginoon. Tayo ngayon ay mga “alipin ng katuwiran.” Ang katuwiran ay nangangahulugang pagkakaroon ng tamang relasyon sa Diyos dahil sa paggabay ng Kanyang biyaya at ng ating patuloy na pananampalataya.
Binuod ni Pablo ang magiging resulta sa isang salita: santipikasyon (pagpapakabanal). Noong mga alipin pa tayo ng kasalanan, wala sa atin ang inaasahang pagkakaroon ng tamang relasyon sa Diyos. At ang naging bunga nito ay kamatayan—magulong pamumuhay, sirang mga relasyon, pisikal na kamatayan, pagbagsak ng moralidad, at espirituwal na kamatayan. Ngayon, dahil pinatawad na tayo at pinatunayan sa pamamagitan ng pananampalataya, naging mga alipin na tayo ng Diyos. Ang resulta ay santipikasyon o pagpapakabanal—ang proseso ng patuloy na pagiging matuwid at banal, habang namumuhay tayo nang may sakramento base sa tipan na ginawa natin sa bautismo. Pinipili nating mamuhay nang banal hindi para makuha ang pagmamahal at pagtanggap ng Diyos, kundi bilang likas na bunga ng pagtanggap natin sa Kanyang biyaya at habag.
Ang ating mga kilos ang nagpapakita kung kanino tayo kabilang. “Ang kahahantungan nito ay buhay na walang hanggan” (talata 22) sa loob ng pagmamahal at biyaya ng Diyos, sa ating pang-araw-araw na buhay man o sa kawalang-hanggan. “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.” (talata 23)
Mga Pangunahing Kaisipan
Ang mga Kristiyanong pananaw sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus ay may malaking epekto sa ating moralidad at praktikal na buhay.
Alinman sa kasalanan o sa Diyos ang may kontrol at kapangyarihan sa ating buhay. Nasa atin ang pagpipili.
Ang pagiging malaya sa kasalanan ay nagbubunga ng tamang relasyon sa Diyos base sa Kanyang biyaya, pananampalataya, at pamumuhay na nakasentro sa sakramento.
Ang santipikasyon ay ang proseso ng mas pakikibagay sa Diyos, pagiging mas banal, at pagiging mas bukas sa pagkilos ng Espiritu.
Mga Tanong para sa Tagapagsalita / Nagbabahagi
Kanino mo ibinibigay ang iyong katapatan? Ano ang patunay ng iyong sagot? Paano mo hinaharap ang nahahating mong katapatan sa iyong buhay?
Paano nauugnay ang santipikasyon sa ating pananaw sa pamumuhay na may sakramento? Alin ang nauuna?
Anong makabagong paglalarawan ang ipapalit mo sa mga sinaunang simbolo ng pagkaalipin sa usaping ito ng katapatan, debosyon, at mga panginoon o boss?
Paano naaapektuhan ng bahaging ito ng Kasulatan ang iyong pagkaunawa sa misyon ni Kristo at sa pag-asa ng Kanyang kaharian?
Comments
Post a Comment