Romans 8:26-39
26Tinutulungan tayo ng Espiritu sa kahinaan
natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya
ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Diyos para sa atin
sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin. 27At
ang anumang nais sabihin ng Espiritu ay alam ng Diyos na siyang sumisiyasat sa
puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Espiritu para sa mga tinawag na
maging banal, kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos.
28Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang
Diyos para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon
sa kanyang layunin. 29Sapagkat alam na ng Diyos noon pa man
kung sino-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na
si Hesus upang siya ang maging panganay sa maraming
magkakapatid. 30Kaya ang mga taong pinili niya noong una pa ay tinawag din niya, at ang
mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang
matuwid ay niluwalhati rin niya.
Tayoʼy Higit pa sa mga Nagtagumpay
31Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na
ito, masasabi nating panig sa atin ang Diyos, at dahil dito, walang
magtatagumpay laban sa atin. 32Kung ang sarili niyang Anak ay
hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay rin
niya sa atin ang lahat ng bagay. 33Sino ang maaaring
mag-akusa sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos na mismo ang nagturing sa atin
na matuwid. 34Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan,
dahil si Kristo Hesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At
hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Diyos at
namamagitan para sa atin. 35Walang makapaghihiwalay sa atin sa
pag-ibig ni Kristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap,
pag-uusig, gutom, kawalan, panganib, o maging kamatayan. 36Gaya
nga ng sinasabi sa Kasulatan:
“Alang-alang sa iyo,
palaging nasa panganib
ang aming buhay;
para kaming mga tupang
kakatayin.”
37Ngunit kahit ganito ang kalagayan natin,
ganap ang ating tagumpay sa tulong ni Kristo na nagmamahal sa atin. 38-39Sapagkat
natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na
ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.
Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu,
ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan,
ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo
ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.
Pagninilay sa Kasulatan
Ang babasahin natin ngayon ay naglalaman ng
isa sa pinakakontrobersyal na bahagi ng mga isinulat ni Pablo, pati na rin ang
isa sa kanyang pinakamahahalagang pahayag. Kahit alin sa dalawang paksang ito,
napakagandang pag-usapan sa sermon, sa klase, o kaya’y sa sariling pagninilay-nilay.
Nagsimula si Pablo sa mga limitasyon nating
mga tao (ang ating kahinaan)—partikular na sa hindi natin pagkaalam kung paano
manalangin nang tama (v. 26). Ang Espiritu ng Diyos ang mismong nananalangin
para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na nagmumula sa kaibuturan ng ating
puso—mga bagay na hindi man lang natin kayang ipahayag. Pero kilala at
nauunawaan ng Diyos ang ating mga puso. Maiintindihan niya ang daing ng
Espiritu na lumalapit para sa atin. Kumikilos ang Espiritu ayon sa kalooban at
sa pangkalahatang layunin ng Diyos. At sa layunin ng Diyos, ang lahat ng bagay
ay gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya at tinawag niya.
Ganto inilarawan ni Pablo ang mga layunin
ng Diyos:
- Bago pa man tayo ipanganak, kilala na tayo ng Diyos at
itinalaga na tayong maging katulad ng larawan ni Cristo, upang siya ang
maging panganay sa pamilya ng Diyos.
- Ang mga itinalaga niya ay kanya ring tinawag.
- Ang mga tinawag niya ay kanya ring itinuring na matuwid.
- At ang mga itinuring niyang matuwid sa pamamagitan ng
pananampalataya ay binigyan din niya ng karangalan (ang buhay na muling
pagkabuhay).
“Ano pa ang masasabi natin tungkol dito?”
(v. 31). Ano nga ba? Ilang siglo nang sinusubukan ng mga lider ng simbahan na
intindihin ang ibig sabihin ng "predestination" o pagtatalaga ayon sa
paliwanag ni Pablo, na naging dahilan pa nga ng mga pagkakabahagi na hanggang
ngayon ay umiiral pa rin. Sabi ng ilang theologian, pumipili lang daw ang Diyos
ng iilang nakatadhana at tapat na tagasunod, at inayos na niya ang buhay ng mga
ito para magkaroon sila ng pananampalataya, maglingkod, at magtamo ng
kaluwalhatian. Ginagamit nila ang talatang ito at ang pagbanggit ni Pablo sa
“mga pinili ng Diyos” sa talatang 33 para suportahan ang kaisipang ito. Isa
itong pananaw na nakatutok lang sa pansarili o indibidwal na kaligtasan.
Pero noong isinusulat ito ni Pablo, wala pa
sa kultura o kaisipan ng mga tao ang labis na pagiging indibidwalista. Ang
kaligtasan, pagsisisi, at awa ay nakatutok sa buong komunidad, bansa, o grupo
ng tao. Simula't sapul, ang layunin talaga ng Diyos ay ang pagsagip sa lahat.
Ang ibig sabihin ng pagtatalaga (predestination), nais ng Diyos na ang buong
sangkatauhan ay mahubog sa larawan ni Cristo. Ang pag-asang ito ay maaaring
maipamuhay o hindi ng isang tao sa kanyang pamumuhay. Kung paanong ang panganay
na anak ay kamukha ng ulo ng pamilya, ang sangkatauhan (o ang malawak na
komunidad ng mga tao ng Diyos) ay nagtataglay din ng larawan ni Cristo at
nagiging pamilya ng Diyos. Ang biyaya ng Diyos ay para sa bawat kaluluwa;
tinatawag ng Diyos ang bawat tao; nagnanais ang Diyos na ariing-matuwid ang
pananampalataya ng bawat isa, at nagbibigay siya ng buhay na muling pagkabuhay
para sa lahat. Ang sumusuporta sa interpretasyong ito ay ang dakilang pahayag
sa dulo ng talatang ito: “[walang] makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng
Diyos na kay Cristo Jesus na ating Panginoon” (v. 38-39).
Hindi madaling maging Cristiano. Likas sa
tao ang matakot sa sakit at pagdurusa. Si Pablo mismo ay nakaranas ng matinding
hirap, pighati, pag-uusig, at gutom. Ganun din ang maraming ibang Cristiano.
Pero ang pagdurusa ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Cristo.
Pwede tayong mabuhay nang walang takot, anuman ang harapin natin. Kahit ang kamatayan
o buhay, ang mabuti o masama, o anumang uri ng kapangyarihan—walang
makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos. Kahit pa ang mga pagkakabahagi
sa loob ng komunidad ng pananampalataya ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa
kanyang pagmamahal. Hahatiin ba tayo basta-basta ng isang Diyos na ganito
kalaki magmahal sa "pinagpala" at "sinumpa" bago pa man
magsimula ang buhay natin? Siyempre hindi. Matatag ang mga layunin ng Diyos, at
dahil sa biyaya, nakapaloob tayo sa mga layuning iyon tulad ng pagkakapaloob
natin sa pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
Pangunahing Kaisipan
- Ang buhay na Espiritu ng Diyos ay nananalangin sa pamamagitan
natin, sinusubukang iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos upang
matupad ang kanyang mga layunin.
- Ang hangad ng Diyos para sa buong sangkatauhan ay mahubog sa
larawan ni Cristo at makabilang sa isang banal at bukas-para-sa-lahat na
pamilya.
- Ang Diyos ay tumatawag, nagpapatawad, nagtuturing na matuwid,
at sa huli ay nag-aalok ng kaligtasan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng
biyaya.
- Walang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos—kahit pa
ang "pagtatalaga" ng Diyos ng kaligtasan para sa sangkatauhan.
Ang kaligtasang iyon ay bukas para sa lahat.
- Tiyak at matatag ang mga layunin ng Diyos. Nakapaloob tayo sa
mga layuning iyon kasingtiyak ng pagkakapaloob natin sa pagmamahal ng
Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
Mga Tanong para sa Tagapagsalita /
Tagapangaral
- Paano napayaman at nabago ang buhay-panalangin mo nang malaman
mong ang Espiritu mismo ng Diyos ang nananalangin sa pamamagitan mo?
- Paano mo ipapaliwanag ang kaisipan ni Pablo tungkol sa
itinadhanang kaligtasan para sa lahat sa paraang madaling maintindihan sa
ating modernong mundo na masyadong nakatutok sa sarili?
- Kailan mo naramdamang tila hiwalay ka sa pagmamahal ng Diyos?
Paano ninyo nalampasan ng Diyos ang pakiramdam na iyon?
- Ano kaya ang pakiramdam ng mabuhay nang walang anumang
kinatatakutan?
- Paano nagiging bahagi ang iyong iglesya o kongregasyon sa mga
layunin ng Diyos para sa buong likha? Paano pumasok ang mga konsepto ng
pag-unawa (discernment), pananaw (vision), misyon, pagkilos (agency), at
pananampalataya sa mga layunin ng Diyos?
No comments:
Post a Comment