Monday, July 13, 2026

Come into God’s Presence


UMAYKA ITI PRESENSIYA TI DIOS
Additional Scriptures
Psalm 139:1-12, 23-24; Matthew 13:24-30, 36-43; Romans 8:12-25

Genesis 28:10-19a

10Umalis si Jacob sa Beer-seba at lumakad papuntang Haran. 11Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya na akyat-baba ang mga anghel ng Diyos sa hagdan. 13Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”

16Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.” 17Natakot siya at sinabi, “Kakila-kilabot ang lugar na ito! Tiyak na tahanan ito ng Diyos at ito ang pintuan ng langit.”

18Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis. 19Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel.

Pag-unawa sa Kasulatan

Kinuwento sa bahaging ito ng Bibliya ang buhay ni Jacob. Kailangan niyang iwan ang kanyang pamilya at lumikas bilang isang refugee dahil nanganganib ang buhay niya, at wala siyang kasiguruhan sa kanyang kinabukasan. Napunta siya sa ganitong sitwasyon dahil sa masamang motibo niya—ninakaw kasi niya ang basbas ng kapatid niyang si Esau mula sa ama nilang si Isaac. Galit na galit si Esau at sumumpang papatayin si Jacob. Pero sa biyahe niya, makakatagpo niya ang Diyos at makakatanggap siya ng pagpapala para sa kanyang sarili, sa kanyang pamilya, at sa mga susunod na henerasyon.

Bago siya umalis, binasbasan muna siya ng kanyang ama. Sa huling basbas na ito, pinayuhan siya na pumunta sa Paddan-aram at mag-asawa ng isa sa mga anak na babae ni Laban. Binigay sa kanya ni Isaac ang pagpapala na unang ibinigay sa kanyang ama (si Isaac) at sa kanyang lolo (si Abraham). Sinabi ni Isaac kay Jacob na pagpapalain siya ng Diyos, pararamihin ang kanyang lahi, at mapapasa-kanila ang maraming lupain (Genesis 28:1–3).

Habang nagbibiyahe, tumigil siya para matulog sa isang lugar na hindi niya inaasahan, at doon siya nagkaroon ng panaginip na nagpabago sa buhay niya. Sa panaginip niya, nakakita siya ng isang hagdanan mula sa lupa hanggang langit, at may mga anghel na umaakyat at bumababa rito. Nakatayo ang Panginoon sa tabi niya at sinabi, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ng iyong amang si Abraham at ang Diyos ni Isaac” (v. 13). Pagkatapos, pinagpala ng Diyos si Jacob at ang kanyang mga salinlahi. Pagkagising ni Jacob, sinabi niya, “Tunay na nandito ang Panginoon sa lugar na ito—at hindi ko man lang alam!” (v. 16). Kinuha niya ang batong ginawa niyang unan at itinayo ito bilang isang marker o haligi. Binuhusan niya ito ng langis at tinawag ang lugar na Bethel—na ang ibig sabihin ay "bahay ng Diyos." Sa paggawa nito, pinangalanan niya ang lugar na magiging pangunahing dambana ng hilagang kaharian ng Israel sa hinaharap.

Pinapakita ng kwentong ito na gusto tayong pagpalain ng Diyos kahit nasaan man tayong sitwasyon, at anuman ang mga maling desisyon na nagawa natin. Pwede nating matagpuan ang Diyos sa gitna ng pinakamahihirap na sandali ng buhay natin. Sa pinakamadilim na bahagi ng buhay ni Jacob, noong tumatakbo siya para iligtas ang sarili niya, dumating ang Diyos at sinamahan siya. Siniguro sa kanya na sasamahan at pagpapalain siya ng Diyos sa kanyang walang-katiyakang paglalakbay.

Napakalakas ng mensaheng ito para sa atin ngayon. Gusto ng Diyos na ibuhos ang Kanyang mga pagpapala sa atin. Karapat-dapat palagi tayong makatagpo ang Diyos at makatanggap ng Kanyang basbas. Sa mga pinakamababang punto ng buhay natin, kasama natin ang Diyos. Gusto Niya tayong kausapin at gabayan—na kung minsan ay nambubulabog sa nakasanayan nating buhay—para tulungan tayong mapunta sa mas mabuting kalagayan.

Mga Pangunahing Kaisipan

  • Palaging gumagawa ng paraan ang Diyos para maranasan natin ang Kanyang banal na presensya.
  • Maaaring nakagawa tayo ng mga maling desisyon na nagdala sa atin sa mahirap na sitwasyon, pero gusto pa rin ng Diyos na magkaroon ng relasyon sa atin.
  • Karapat-dapat tayo sa presensya at pagpapala ng Diyos. Kasama natin Siyang nakatayo ngayon.
  • Kapag hindi natin alam ang mangyayari sa kinabukasan, gusto pa rin tayong pagpalain ng Diyos.

Mga Tanong para sa Tagapagsalita

  1. Bakit kaya gustong-gusto ng Diyos na magkaroon ng ganitong uri ng relasyon sa atin?
  2. Sino sa iyong kongregasyon at sa iyong komunidad ang gustong samahan at pagpalain ng Diyos ngayon?
  3. Saan ang iyong "banal na lugar" (holy place)—ang lugar kung saan masasabi mo na, “Tunay na nandito ang Panginoon sa lugar na ito”?
  4. Saang banal na lugar ka inaanyayahan na makaranas at magsabing, “Tunay na nandito ang Panginoon sa lugar na ito—at hindi ko man lang alam” (Genesis 28:16)?

No comments:

Post a Comment

Come into God’s Presence

UMAYKA ITI PRESENSIYA TI DIOS Additional Scriptures Psalm 139:1-12, 23-24; Matthew 13:24-30, 36-43; Romans 8:12-25 Genesis 28:10-19a 10...